Sa halip na makauwi agad sa kanyang pamilya, sa selda ang bagsak ng isang 44-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na kararating lamang mula Jeddah, Saudi Arabia, matapos siyang arestuhin ng mga operatiba ng Aviation Security Group (AVSEGROUP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police sa NAIA Terminal 1, Pasay City, nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa ulat ng pulisya, sinalubong ng mga awtoridad ang OFW at binasahan ito ng karapatan kasabay ng pagsilbi sa kanya ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Pangasinan noong Marso 13, 2025. Ang kaso ay paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, na isa sa mga madalas na hinahabol na kasong may standing warrant sa mga dumarating at umaalis na pasahero.
Ipinunto ni AVSEGROUP Director P/BGen. Dionisio Bartolome Jr. na tuloy-tuloy ang kanilang koordinasyon sa Bureau of Immigration upang matukoy at maharang ang sinumang may nakabinbin na kaso sa bansa. Aniya, mahalagang matiyak na ang mga indibidwal na may hold orders o warrants ay hindi makalulusot sa mga paliparan.
Samantala, dinala na ang akusadong OFW sa kustodiya ng CIDG Manila District Field Unit. Maaari pa rin umano siyang pansamantalang makalaya kung makapaglalagak ng itinakdang piyansa ng korte na nagkakahalaga ng ₱72,000.
Patuloy ang paalala ng awtoridad sa publiko, lalo na sa mga OFW na umuuwi o lumalabas ng bansa, na siguraduhing walang nakabinbin na kaso o obligasyong ligal upang makaiwas sa pagkaantala o pagkadakip sa mga paliparan.
Source peoplestaliba
