Nagbigay ng mahalagang paalala si OWWA Administrator PY Caunan sa publiko kaugnay ng kumakalat na maling impormasyon sa social media tungkol sa umano’y ₱150,000 financial assistance para sa mga stranded na Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa kasalukuyang tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa OWWA, hindi totoo ang balitang ito at wala umanong inilabas na programa o ayuda na nagkakahalaga ng ₱150,000 para sa mga OFW na nasa naturang sitwasyon.
Ipinahayag ni Administrator Caunan ang pagkabahala sa patuloy na pagkalat ng maling impormasyon lalo na sa panahong nakatuon ang pamahalaan sa pagtiyak ng kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa iba’t ibang bansa.
Mas lalo pang nakababahala, ayon sa OWWA, na may ilang indibidwal na gumagamit ng AI-generated videos at iba pang manipuladong content upang magmukhang lehitimo ang mga pekeng balita.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang publiko—lalo na ang mga OFW at kanilang pamilya—na maging mapanuri sa mga nababasa at napapanood online. Hinihikayat ang lahat na huwag agad maniwala sa mga post, video, o mensahe na walang malinaw at opisyal na pinanggalingan.
Para sa tama at beripikadong impormasyon, pinapayuhan ang publiko na sundan lamang ang opisyal na social media pages ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Tiniyak naman ng OWWA at DMW na patuloy silang nakaantabay upang magbigay ng tunay na tulong at serbisyo sa mga OFW saan mang panig ng mundo.
Sa huli, nananawagan ang ahensya sa lahat na makiisa sa paglaban sa maling impormasyon.
“Mag-ingat sa fake news. Sama-sama nating protektahan ang ating mga kababayan laban sa maling impormasyon,” paalala ng OWWA.
Alagang OWWA. Serbisyong may Puso.
