GENERAL SANTOS CITY — Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Queen Jo Lacrita, isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula Purok Lorenzo Ruiz, Barangay Apopong, matapos itong pumanaw noong Abril 8, 2026 sa Dammam, Saudi Arabia.
Ayon sa pamilya, huli nilang nakausap si Lacrita noong Marso 18, kung saan sinabi umano nito na ihahatid siya ng kanyang amo pabalik sa kanyang agency. Makalipas ang ilang araw, ipinaalam ng agency na dinala umano siya sa ospital—ngunit wala umanong naipakitang ebidensya o dokumento upang patunayan ito.
Noong Abril 6, napilitan ang pamilya na mag-post sa social media upang humingi ng tulong dahil sa kakulangan ng malinaw na impormasyon mula sa agency. Ayon sa kanila, ilang beses silang nagtangkang makipag-video call ngunit iba’t ibang tao ang sumasagot at pabago-bago ang impormasyong ibinibigay.
Sa loob ng halos sampung araw, sinabi ng pamilya na wala silang natanggap na konkretong update hinggil sa kalagayan ni Lacrita. Hanggang noong Marso 30, ipinaalam ng agency na ito ay nasa intensive care unit (ICU) at comatose na. Sa isang video na kalaunan ay kanilang nakita, makikitang kritikal na ang kondisyon ng OFW—hanggang sa tuluyang bawian ito ng buhay noong Abril 8.
Samantala, humingi ng paumanhin ang Global Expertise Management, Inc., ang recruitment agency na may hawak kay Lacrita, sa pamilya nito. Ayon kay “Alyas Jackie,” isang staff ng nasabing ahensya, kasalukuyan nang inaasikaso ng kanilang main office sa Maynila ang mga kinakailangang dokumento para sa repatriation o pag-uwi ng labi ng OFW.
Panoorin ang video
Dagdag pa nito, patuloy ang kanilang koordinasyon sa embahada ng Pilipinas at mga awtoridad sa Saudi Arabia upang mapabilis ang proseso, bagama’t wala pa silang maibigay na eksaktong petsa kung kailan maibabalik sa bansa ang labi ni Lacrita.
Sa ngayon, naghihintay ang pamilya ng opisyal na ulat mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang mabigyang linaw ang tunay na sanhi ng pagkamatay ni Lacrita.
Patuloy naman ang panawagan ng pamilya para sa hustisya at pananagutan sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay, kasabay ng paniniwalang dapat maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
