Jeddah, Saudi Arabia — Umabot sa 200,000.00 Saudi Riyals ang naging bunga ng negosasyon sa isang sensitibo at mabigat na kasong hinarap ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na kasambahay sa Jeddah, matapos siyang makaranas ng pang-aabuso mula sa kanyang employer.
Si “Ate J” ay may dalawang anak na edad 8 at 5 taong gulang. Noong 2022, napilitan siyang mangibang-bansa bilang kasambahay matapos iwanan ng kanyang live-in partner. Sa loob ng halos tatlong taon, maayos ang takbo ng kanyang trabaho—hanggang sa isang iglap na nagbago ang lahat.
Ayon kay Ate J, siya ay naabuso. Agad siyang humingi ng saklolo at mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad. Matapos siyang makuha mula sa kanyang employer, isinama siya sa ospital upang isailalim sa forensic examination. Lumabas sa resulta na positibo ang ebidensya ng pang-aabuso.
Bagama’t malinaw ang ebidensya, hindi nais ni Ate J na magsampa ng kaso. Ang tanging hiling lamang niya ay exit visa at plane ticket upang makauwi kaagad sa Pilipinas. Gayunman, dahil sa bigat ng ebidensya, hindi siya pinayagan ng Migrant Workers Office (MWO) na basta na lamang umuwi at pinayuhan na ituloy ang legal na proseso.
Sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan, sinamahan siya ng mga kinatawan ng MWO sa pulisya, kung saan opisyal na inihain ang reklamo. Agad na ikinulong ang salarin, na kalauna’y nagpahayag ng intensyong makipag-areglo.
Nagharap si Ate J at ang salarin, kapwa may legal na kinatawan. Sa kabila ng takot at pagnanais na lamang umuwi, nanindigan si Ate J—lalo na’t may abogado ng MWO na patuloy na gumabay at sumuporta sa kanya. Maghapon na nag-usap ang mga abogado ng magkabilang panig upang pag-usapan ang posibleng settlement, kahit malinaw na bukas si Ate J na tumanggap na lamang ng exit visa at ticket.
Bandang hapon, nagkaroon ng kasunduan: 200,000.00 SAR, kasama ang exit visa at plane ticket, kapalit ng hindi na pagpapatuloy ng kaso.
Agad na inihatid si Ate J sa airport sa utos ni DMW Undersecretary Bernard P. Olalia, na nagkataong pauwi rin ng Pilipinas mula Jeddah. Isinama na mismo ng opisyal si Ate J upang matiyak ang kanyang ligtas at maayos na pag-uwi.
Sa kasalukuyang palitan, tinatayang mahigit ₱3 milyon ang halaga ng settlement na naiuwi ni Ate J. Isang halagang inaasahang makatutulong sa kanyang pagbangon at pag-aalaga sa kanyang mga anak, matapos ang matinding pagsubok na kanyang dinaanan.
Ipinapakita ng kasong ito ang kahalagahan ng agarang aksyon, legal na suporta, at malasakit ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga OFW—lalo na sa mga panahong sila ay pinaka-nanganganib at nangangailangan ng tulong.
Source Tahanan Ng OFW sa Jeddah

